MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong frustrated murder at 3 counts ng attempted murder ang pitong opisyal ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City kabilang ang opisyal ng pulisya kaugnay ng bigong pananambang kay Vice Mayor Datu Muslimin Sema noong Enero 10 sa highway ng Brgy. Rosary Heights 7 sa Cotabato City. Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group Chief P/Director Samuel Pagdilao, kabilang sa mga akusado na kinasuhan sa sangay ng Department of Justice sa Cotabato City ay sina Cotabato City Mayor Japal Guani Jr., mag-asawang Atty. Cynthia Sayadi, Omar Sayadi, City Councilors Graham Dumama at Abdilla Lim, Barangay Chairman Amil Sula at si P/Inspector Noel Gutierrez, ex-deputy station Commander ng Cotabato City na namuno sa pagresponde sa ambush site. Ang mga suspek ay kinasuhan matapos ituro ng testigo sa imbestigasyon ng Special Investigating Task Group Sema na sinasabing matagal na planong itumba si Sema pero nakaligtas ang bise alkalde.
0 comments